• EMEA

Sa unang pagkakataon ay gaganap ng dalawang karakter si Jodi Sta. Maria sa series na “Sana Dalawa ang Puso”

Kane Errol Choa | Aaron Domingo| Posted at 25/01/2018 07:30 AM

Magsasama-sama sa unang pagkakataon ang tatlo sa pinakabigating mga bituin sa bansa ngayon na sina Robin PadillaRichard Yap, at Jodi Sta. Maria, sa pinakabagong teleserye ng ABS-CBN na “Sana Dalawa ang Puso” na mapapaood labas ng Pilipinas via The Filipino Channel (TFC) sa key countries worldwide simula January 29, 2018 (Manila time).

Balik-tamabalan ang Daytime Queen at King na sina Sta. Maria at Yap matapos ang hit serye nilang “Be Careful with My Heart” noong 2012.

Ikinatuwa ni Yap nang malaman niyang magkakasama muli sila ni Sta. Maria sa isang proyekto. “Gustong-gusto ko talaga siyang makasama muli kasi masarap katrabaho si Jodi at magaling siyang aktres,” saad ni Richard sa panayam niya sa ABS-CBN news program na “TV Patrol”.

Bagama’t excited, aminado naman si Sta. Maria na bagong hamon sa kaniya ang pagganap sa dalawang roles, lalo pa at unang beses pa lamang niya ito gagawin.  Aniya, “Hindi naging madali para sa akin, pero very exciting. Isa ito sa mga challenging roles na ginawa ko”.

Mula naman sa katatapos lang na box-office movie na “Unexpectedly Yours,” makakasama rin sa serye ang tinaguriang Idol ng Bayan na si Padilla, na huling nakita sa seryeng “Kailangan Ko’y Ikaw” noong 2013.

Kwento ni Padilla, nagpasintabi pa siya kay Yap sa kaniyang pagpasok sa eksena sa popular na tambalan nila ni Sta. Maria na kilala sa tawag na JoChard. “Pinuntahan ko pa si Sir Chief (Yap) at nagpaalam ako kung puwede akong mag-over the bakod,” pag-amin ni Padilla.

Pagbibiro pa niya, “Bata pa lang ay pinanonood ko na sila, sumasabog ang kagandahan ni Jodi.”

Sundan sa “Sana Dalawa ang Puso” ang kuwento nina Lisa at Mona (parehong karakter ni Sta. Maria), dalawang babaeng magkamukha at parehas na tinatakasan ang mga problema sa kani-kanilang buhay.

Kilalang masipag at matapang na boss si Lisa Laureano sa family business nila na Laureno Group of Companies. Magbabago ang ikot ng mundo niya dahil muli siyang ipagkakasundo ng kaniyang amang si Juancho Laureano (Christopher de Leon) na ikasal kay Martin Co (Yap), ang anak ng ng may-ari ng kalaban nilang kumpanya. Upang tumakas sa kaniyang kapalaran ay makikitira siya sa trabahador nilang si Leo Tabayoyong (Padilla).

Sa kabilang banda, ang kamukha niyang si Mona na tagakolekta ng taya at taga-alaga ng manok sa sabungan ay problemado naman na iahon ang amang nadawit sa isang networking scam.

Ano kaya ang mangyayari kapag natagpo ang kanilang mga landas? Matulungan kaya nila ang isa’t isa sa kanilang mga problema?

Ang naturang serye ay binuo sa ilalim ng Star Creatives, ang produksyon sa likod ng matatagumpay na serye tulad ng “Lobo,” “Imortal,” “Got to Believe,” “Pangako Sa Yo,” “Forevermore,” “Dolce Amore,” “Pusong Ligaw,” “A Love to Last,” at “La Luna Sangre.

Pakaabangan ang seryeng “Sana Dalawa ang Puso” na mapapanood sa labas ng bansa via TFC, sa key countries worldwide, simula January 29 at may streaming ng premiere simulcast sa Philippine airing nito sa TFC online (www.TFC.tv) sa key countries worldwide. Maaari namang balikan ang mga nagdaang episodes via TFC online (www.TFC.tv) at TFC IPTV, sa key countries worldwide.

Para sa updates tungkol sa show, bisitahin ang TFC Facebook page na angkop sa inyong kinaroroonan. Maki-connect sa kapwa global Kapamilyas at i-follow ang @KapamilyaTFC at KapamilyaGlobalPR sa Twitter at Instagram.

With additional text by Joyce Jimenez

 
 

BE A KAPAMILYA!

Tap into our vibrant community.