• EMEA

POEA, nagbabala laban sa fake job ads sa socmed

Kristhoff Cagape| Posted at 07/08/2018 08:18 AM

Nagbabala ulit ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) laban sa kumalakalat na fake job offers abroad sa social media. Ilan sa mga inaalok ng nasabing job offers ay mga posisyon bilang cabin cleaner at fruit picker sa mga bansang Canada, New Zealand, Europe, at Australia. Mayroon ding mga inaalok na trabaho para sa crew ship.

Ayon sa mga alok, malaki raw ang sweldo at kahit high school graduate lang ay pwedeng mag-apply. Sa ulat ng Balitang Global noong Hunyo pa nagbabala ang POEA laban sa mga nasabing fake job offers.

Sabi pa ng POEA ay mangyaring siyasatin muna ang pangalan ng POEA-accredited agency, POEA license number, Philippine office address, at contact numbernng kompanyang nag-aalok ng trabaho.

"Hindi bawal mag-post ng job opening sa social media pero hindi lahat ng naka-post sa Facebook o ibang social media sites ay totoo," pahayag ni Bernard Olalia, Administrator ng POEA.

Binigyang diin ni Olalia na mahalaga ding i-check kung may job order ang nasabing kompanya

"Kahit na authorized at legitimate recruitment agency ka, kapag wala kang approved job order, at wala kang ganon na trabaho at nagpapa-accredit ka pa lang eh hindi mo pwedeng i-advertise ‘yun dahil strictly speaking, wala kang ibibigay na trabaho sa ating kababayan," pahayag ni Olalia.

Mahigpit din na pinagbabawal ng POEA ang pagsasagawa ng third country recruitment. Halimbawa nito ang pang-engganyo ng mga ilang recruiters sa mga OFW na may valid residents visa sa UAE na tumulak patungong Poland bilang factory worker. Ayon sa POEA ay dapat umuwi muna sa Pilipinas at dumaan sa POEA’s approved recruitment process ang mga OFW na nagnanais na lumipat ng ibang bansa.

Nagbigay babala si Olalia sa mga ahensya at kompanya na walang lisensya ngunit nag-aalok ng trabaho na pananagutin nila ang mga ito sa batas kapag nahuli.

"'Yung mga nasa social media na naga-advertise at nagsasabi na may in-offer na trabaho sa ating mga kababayan, [pero] sila ay walang authority or hindi sila lisensyado ng POEA, maliwanag po na ito ay isang form ng illegal recruitment at kapag po ay kayo ay nahuli o nalaman po na may ganito kayong gawain, ay may pananagutan po kayo sa batas," sabi ni Olalia.

 
 

BE A KAPAMILYA!

Tap into our vibrant community.